Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nahabag si Pangulong Duterte sa mga pasahero dahil may pandemya na nga sa COVID-19, nadagdagan pa ang gastos para sa beep card.
“Nahabag po talaga ang Presidente doon sa isang balita na maraming mga naghihirap nating mga kabbayaan ang nagulat dahil ang pera nila ay sapat lamang sa pamasahe at pagkain para sa araw na iyon,” pahayag ni Roque.
Sinuspinde ng Department of Transporation (DOTr) ang mandatory na paggamit ng beep card matapos hindi pagbigyan ng AF Payments Incorporated, ang provider ng automatic fare collection system ang kanilang hirit na i-waive na ang bayad sa beep card.
Ayon kay Roque, may ginagawa nang imbestigasyon ang DOTr.
“Sa tingin ko po the review is ongoing already dahil sinuspinde muna yung pangongolekta po ng chages for the Beep Card. Pinag-aaralan naman po ‘yan ng DOTr na at tingin ko yung pagsususpinde ng bayad para sa Beep Card ay kabahagi ng magiging pinal na aksyon ng ating DOTr. Ngayon naman po suspendido na ang pangongolekta ng bayad sa Beep Card. Tingin ko sapat na muna ‘yan para ma-address yung immediate issue na karagdagang pahirap ‘yan sa ating mga nahihirap nang mga kababayan sa gitna ng pandemya,” pahayag ni Roque.
Patunay aniya ito na may puso ang administrasyon at nakikinig sa hinaing ng taong bayan.
“Tingin ko naman, nakikita naman sa polisiya na pinatutupad ng gobyerno, nakikinig ang gobyerno sa taumbayan. Hindi po natin made-deny na may puso naman po itong administrasyon na ito,” pahayag ni Roque.
Matatandaan na noong October 1 lamang, ipinatupad ang mandatory na paggamit ng beep card sa mga sumasakay ng bus sa EDSA.
Wala nang abutan ng pera sa pagitan ng pasahero at konduktor sa pag asang malilimitahan ang pagkalat ng virus sa COVID-19.
Subalit dahil sa dagdag pahirap sa mga pasahero ang bayad sa beep card, sinuspinde ito ng DOTr makalipas lamang ang apat na araw.