Marinduque Rep. Velasco may suporta na ng mayorya sa Kamara – Rep. Atienza

Kung si Buhay Rep. Lito Atienza ang tatanungin, may sapat na bilang na si Marinduque Rep. Lord Alan Jay Velasco upang Manalo bilang house speaker.

Ayon kay Atienza, sa kanyang bilang ay aabot na ito sa ngayon ng 154 kongresista.

Sa nasabing bilang 54 ay mula sa Party-List Coalition Foundation, Inc. na dismayado sa liderato ni House Speaker Alan Peter Cayetano matapos alisisn bilang deputy speaker ang president nito na si 1-PACMAN Rep. Mikee Romero.

Nakatitiyak naman si Atienza na susuportahan ng political party ng pangulo na PDP-Laban na may 65 myembro sa Kamara si Velasco gayundin ang National People’s Coalition (NPC) na may 35 house members.

Dahil anya sa patuloy na pagsuway ni Cayetano sa term-sharing agreement ay inilalagay lamang nito ang kanyang sarili sa alanganing sitwasyon matapos na gawin ang malisyosong loyalty check na naging daan sa pagsibak kay Romero sa house leadership.

Malinaw aniya na ang aksyon ni Cayetano ay pagsalungat kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil ito ang namagitan at nag-ayos sa term-sharing agreement sa pagitan nila ni Velasco.

Sabi ni Atienza, kung ipipilit ng Taguig Congressman ang kanyang gusto ay posibleng malagay ito sa minorya sa huli dahil bukod sa Nacionalista Party kung saan kasapi si Cayetano ay tanging matibay na suporta na lamang nito ang 43-member na National Unity Party (NUP) na pinamumunuan ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga.

 

 

 

 

Read more...