Granada inihagis malapit sa bahay ng gobernador ng Sulu
Sugatan ang dalawang lalaki matapos hagisan ng granada ang labas ng bahay ng gobernador ng Sulu.
Inihagis ang granada sa pagitan ng compound ni Governor Abdusakur “Toto” Tan at ng Tigbao residence sa Barangay Asturias, Jolo, Sulu.
Nasugatan sa insidente ang dalawang tindero sa Asturias Wet Market na kinilalang sina Abdel Asiri at isang alyas Kairan na nakatambay noon sa labas.
Unang inakala ng mga otoridad na Improvised Explosive Device (IED) ang sanhi ng pagsabog, subalit ayon sa mga saksi, nakasakay sa motor ang naghagis ng granada.
Sa isinagawang imbestigasyon, natagpuan ng mga otoridad ang safety lever ng granada sa lugar.
Wala pang maibigay na motibo ang mga pulis sa pangyayari.
Agad na dinala sa IPHO-Sulu Provincial Hospital ang mga biktima habang ang Joint Internal Defense Force na nasa ilalim ng Joint Task Group Sulu at naunang rumesponde sa insidente ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa Jolo Police upang makilala ang may kagagawan ng krimen.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.