Ayon kay US Pacific Air Forces commander General Lori Robinson, nakikipag-usap na sila tungkol sa paglalagay doon ng American B-1 bombers at aerial tankers sa Northern Australia.
Ito’y sa gitna ng lumalaking isyu ng militarisasyon ng China sa South China Sea.
Ani pa Robinson, bukod sa bombers, maglalagay rin sila ng tankers at rotational forces sa Australia, para na rin makapag-sanay sila kasama ang mga pwersa ng nasabing bansa.
Magiging daan rin aniya ito para mas mapaigting ang kanilang ugnayan sa ka-alyadong Royal Australian Air Force.
Mababatid na unti-unti nang pinagtu-tuunan ng pansin ng Amerika ang Asia, na siya namang ikinabahala ng China, tulad ng kanilang pagka-alarma sa usapan sa pagitan ng US at Australia.
Tumanggi naman si Australian Prime Minister Malcolm Turnbull na magbigay ng mga detalye tungkol sa sinasabing paglalagay ng mga bombers sa kanilang teritoryo.
Gayunman, tiniyak lang ni Turnbull na maingat nila itong pinaplano para masiguro ang magandang ugnayan sa kanlang mga pwersa ng militar.