Bilang ng tinamaan ng COVID-19 sa Kamara umakyat na sa 85

Umakyat na sa 85 ang bilang ng mga kawani at miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang tinamaan ng COVID-19.

Ayon kay House Secretary-General Atty. Jose Luis Montales, pinakahuli sa mga ito ay empleyado mula sa Administrative Department.

Huli anyang pumasok ang empleyado noong September 1.

Isa namang babaeng kawani muna sa Payroll Group, Accounting Service ang nagpositibo rin sa sakit at huling pumasok sa trabaho noong September 21.

Sabi ni Montales, nagpasailalim sa COVID-19 test ang empleyado matapos makaramdam ng pananakit ng katawan, nagkaroon ng sore throat, gayundin nawalan ng panlasa at pang-amoy.

Nagsasagawa na ngayon ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga ito.

Iginiit naman ng opisyal na karamihan sa naitalang kaso ng sakit sa Mababang Kapulungan ay nakuha sa labas ng Batasan Complex.

Sa kasalukuyan mayroong 15 aktibong kaso ng COVID-19 sa Kamara.

 

 

Read more...