Halos kalahating milyong OFWs, apektado ng COVID-19 pandemic – DOLE
Kabuuang 478,838 overseas Filipino workers na ang apektado ng pandemiya dulot ng COVID-19, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.
Sa pagdinig ng Senado para sa P27.5 billion budget ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa susunod na taon, inilatag ni Bello ang datos na 469,959 OFWs ang nawalan ng trabaho dahil sa krisis at 8,880 naman ang tinamaan pa ng sakit.
Sa naturang bilang, 230,424 na ang nakabalik sa bansa, samantalang may 13,335 pa ang naghihintay na makauwi sa Pilipinas.
Aniya, nasa pagitan ng 1,000 hanggang 3,000 ang umuuwing OFWs kada araw.
May 104,813 naman ang ayaw umuwi ng Pilipinas kahit nawalan ng trabaho.
Nabanggit pa ni Bello na inaasahan na nila na marami ang hindi uuwi dahil karamihan sa mga ito ay nasa Europe, kung saan ang unemployment insurance ay umaabot ng isang taon.
Sa bilang naman ng mga nagkasakit na OFWs, 4,536 ang gumaling at 848 ang namatay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.