Pangulong Duterte, kukunsultahin ang mga taga-Bataan sa panukalang pagbubukas muli ng Bataan Nuclear Power Plant
Kukunsultahin muna ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga residente sa Bataan kung pabor o hindi sa panukalang buksang muli ang Bataan Nuclear Power Plant.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, pahayag ito ng Pangulo matapos ang pakikipagpulong niya, Miyerkules ng gabi (September 30), sa Malakanyang kina Energy Secretary Alfonso Cusi at dating Congressman Mark Cojuangco.
Ipinag-utos aniya ng Pangulo na pag-aralan muna nang mabuti ang Bataan Nuclear Power Plant.
“Sinasabi naman po ng ating Presidente, kinakailangan talagang pag-aralarang mabuti ‘yan. Ibalik sa ground level, tatanungin ang taumbayan ng Bataan kung ano ba talaga ang gusto nila. Hindi pupwede na sa taas manggaling ang desisyon. ‘Yun pala yung statement ng Presidente na dapat i-share ko lalong lalo na dito sa aking mga kababayan dito sa Bataan. Tayo daw po ang konsultahin kung mabubuksan muli ang Bataan Nuclear,” pahayag ni Roque.
Dapat aniyang magsimula sa ground ang naturang usapin.
“Pagdating po dito sa meeting with Sec. Cusi at former Congressman Mark Cojuangco, ang sabi po ni Presidente start from the ground. Pag-aralang mabuti but start from the ground. And I take that to mean na tayo pong mga taga Bataan ang dapat konsultahin muna kung gusto natin buksan ang Bataan Nuclear Power Plant,” pahayag ni Roque.
Ang dalawang bilyong dolyar na Bataan Nuclear Power Plant ay ang nag-iisang nuclear power station sa bansa. Itinayo ito noong 1973 sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Gayunman, hindi napakinabangan ang power plant dahil sa matinding korupsyon at safety issues.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.