Sa kanyang manifestation, sinabi ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor na tumututol siya sa offer of resignation ni Cayetano na sinegundahan naman ni Bulacan Rep. Jonathan Alvarado.
Wala namang tumutol sa tanong ng presiding officer na si Deputy Speaker Raneo Abu kung may hindi sumasang-ayon sa manifestation ni Defensor.
Gayunman, hiniling ni Defensor na magkaroon ng nominal voting na kinontra ni Surigao Rep. Robert Ace Barbers.
Sa botong 184 YES, 1 NO at 9 ABSTAIN, hindi tinanggap ang offer of resignation ni Cayetano.
Nauna rito sa kanyang privilege speech, naghain na ng kanyang resignation bilang House Speaker si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano.
Sinabi ni Cayetano na hindi siya indispensable bilang pinuno ng Kamara.
Ang pagbibitiw ni Cayetano ay kaugnay sa girian nila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa usapin ng Speakership post.
Sinabi ni Cayetano na sa pulong sa pagitan nila ni Pangulong Duterte, hiniling ng pangulo na sa Disyembre na isagawa ang pagpapalit ng Speaker pero hindi pumayag si Velasco at ang nais nito ay sa October 14.
Maging si Buhay Rep. Lito Atienza na sumusuporta kay Velasco ay hindi bumoto pabor sa resignation ni Cayetano.
Sabi ni Atienza, hindi ngayon ang tamang panahon bagkus ay sa October 14 pa ito dapat mag-resign.