Ipinapahinto sa Korte Suprema ng mga election watchdog group ang parallel o sabayang bidding ng Comelec para sa pagsasaayos ng mga lumang Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine at pagbili at pag-upa ng mga makina at teknolohiya na gagamitin para sa 2016 elections.
Sa limamput-isang pahinang petisyon, hiniling ng CENPEG o Center for People Empowerment in Governance at iba pang mga grupo na magpalabas ang Korte Suprema ng TRO o Writ of Preliminary Injunction laban sa resolusyon ng Comelec en banc noong Mayo na pinapagtibay ang pagdaraos ng simultaneous bidding.
Bukod dito, nais din ng mga petitioner na ipawalang bisa ng Korte Suprema ang paglikha ng Comelec sa dalawang technical special bids and awards committee para sa naturang bidding.
Ayon sa CENPEG, labag sa batas ang pagsasagawa ng parallel bidding at isa itong failed experiment.
Giit pa ng petitioner, iligal at unconstitutional ang mahigit 14.5 billion pesos na inilaan ng Comelec para sa PCOS repair at sa pag-upa o pagbili ng Optical Mark Reader o PCOS machines dahil sobra ito ng mahigit isang bilyong piso mula sa orihinal na pondo na inaprubahan para dito.
Ang pagbuo rin anila ng dalawang TWG ay taliwas sa government procurement law na isa lamang dapat ang katuwang ng bids and awards committee.
Bukod dito, ang mga miyembro rin anila ng bagong TWG ay nominado ng mga Comelec Commissioner kaya ‘di matitiyak na magiging patas ang mga ito.
Pasaring pa ng CENPEG, sa kabila ng ilang beses na disqualification ng Smartmatic-TIM sa bidding ay palagi naman itong binabaligtad ng Comelec en banc at bumubuo ng bagong resolusyon pabor sa dayuhang kumpanya .
Dahil dito, may matibay na dahilan anila para paboran ng Comelec en banc ang Smartmatic-TIM kaysa sa ibang mga bidder para sa uupahan o bibilhing OMR machine./ Ricky Brozas
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.