Mayor Belmonte, ipinag-utos ang pagpapaliban ng Christmas party ng City Hall offices; Pondo, ido-donate sa mga lubos na nangangailangan
Ipinag-utos ni Mayor Joy Belmonte na ipagpaliban ang pagdaraos ng Christmas party sa lahat ng opisina at departamento ng Quezon City government sa taong 2020.
Sa inilabas na memorandum, sinabi ng alkalde na hindi angkop ang pagdaraos ng party habang maraming residente sa lungsod ang nakakaranas ng hirap sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa halip na mag-party, sinabi ni Belmonte na ilaan ang pondo para i-donate sa mga lubos na nangangailangan.
“The money that would have been spent on office Christmas parties would do more good as donations to the underprivileged during this extraordinarily difficult time in our nation’s history,” pahayag nito.
Kabilang dito ang urban poor, displaced workers, jeepney drivers, street vendors, indigent children, mahihirap na senior citizens, at iba pa.
Kailangang makipag-ugnayan ng mga departamento sa City Social Services and Development Department upang malaman ang lehitimong representative ng mapipiling sektor hanggang September 30.
“The representative may be a non-government organization, civic group, charity, association or similar organization,” ani Belmonte.
Hinikayat ang lahat ng opisina at departamento na i-donate sa sectoral representative ang halagang malilikom at pondo para sa Christmas party hanggang December 23, 2020.
Maliban dito, hinikayat din ng alkalde ang City Hall employees na ipagdiwang ang Pasko sa kani-kanilang tahanan kasama ang ilang kaibigan at mahal sa buhay.
“Ang diwa ng Pasko ay pagmamahal at pagtulong sa kapwa. Mas mahalaga ito kaysa anumang uri ng pagdiriwang,” said Belmonte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.