Resulta ng SWS survey ukol sa bilang ng pamilyang nakakaranas ng gutom, ikinalungkot ng Palasyo
Nalulungkot ang Palasyo ng Malakanyang sa resulta ng panibagong survey ng Social Weather Stations na umabot sa 7.6 mlyong pamilyang Filipino ang nakaranas ng pagkagutom sa nakalipas na tatlong buwan.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ito ang dahilan kung kaya binuksan na ang ekonomiya ng bansa kahit may banta pa sa pandemya ng COVID-19.
“Unang-una nakakalungkot itong balitang ito. Kaya nga tayo nagbubukas ng ekonomiya para mapababa yung mga numero, lalong-lalo na yung mga nagugutom. Pero alam niyo po, ang Metro Manila–where 60 percent of our GDP comes from–matagal na po tayong naka-GCQ,“ pahayag ni Roque.
Naiintindihan aniya ng Palasyo kung nakaranas ng pagkagutom ang mga Filipino lalo na ang mga nasa sektor ng karpentero, drayber at konduktor dahil sa limitado ang transportasyon.
“Ang pakiusap natin pwede naman po magtrabaho habang nandiyan ang COVID-19. Doon nga po sa ad campaign natin ngayon, ang Presidente na ang nakikiusap: “Mask, Hugas, Iwas” dahil kinakailangan po nating pangalagaan ang ating kalusugan para tayo ay makapag-hanapbuhay,” pahayag ni Roque.
Sinabi pa ni Roque na hindi naman naging pabaya ang pamahalaan sa pagbibigay ng ayuda sa mga apektadong sektor.
“Pero nagbibigay po tayo ngayon ng ayuda sa mga lugar na subject to localized lockdown. Patuloy po ang pagbibigay natin ng tulong doon sa mga nawalan ng trabaho. May dalawang programa po ang Department of Labor and Employment tungkol dito: Yung COVID-19 adjustment program at tsaka yung TUPAD; yung work-for-cash program, at nandiyan din po yung small business salary subsidy ng Department of Finance, at nandiyan din po ang Bayanihan 2 kung saan nagbibigay tayo ng mga pautang sa lahat ng mga nawalan ng trabaho na gusto magsumula ng sariling negosyo,” pahayag ni Roque.
Nakapaloob din aniya sa 2021 national budget na aabot sa P4.5 trilyon ang recovery at rehabilitation plan kung saan paglalaanan ang pagbibigay ng mas maraming trabaho para mapababa pa ng husto ang bilang ng mga nagugutom.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.