Nangangamba ang isang election lawyer na maipagpaliban ang eleksyon o di kaya ay bumalik sa mano-mano ang proseso ng botohan matapos ang pasya ng Korte Suprema sa pag-iisyu ng resibo sa mga botante.
Ayon kay Atty. Romulo Macalintal, nakalulungkot ang naging pasya ng Korte Suprema dahil mangangahulugan ito ng dagdag na trabaho at panahon sa Comelec para sa reconfiguration ng mga makina.
Sinabi ni Macalintal na may kapangyarihan ang Comelec na ipagpaliban o ibalik sa mano-mano ang eleksyon kung may mabigat na dahilan.
Paliwanag ni Macalintal, sa ilalim ng Automated Election Law may probisyon na nakasaad na kung hindi talaga kaya ang automated ay pwede namang mangmano-mano.
Kabilang sa mga pagka-antala na maaring idulot ng SC decision ay ang proseso ng pagbili ng thermal papers para sa resibo, at kung ang mga makina para sa Overseas Absentee Voting ay naibyahe na ay kailangang ibalik ulit sa bansa para sa reconfiguration.
Payo ni Macalintal sa Comelec, maghain ng motion for reconsideration sa SC at ilahad ang lahat ng magiging epekto sa halalan ng nasabing desisyon.