Ika-84 Malasakit Center sa bansa, binuksan na

Binuksan na ang ika-84 na Malasakit Center sa bansa.

Dumalo si Senador Bong Go sa virtual launch ng Malasakit Center sa President Ramon Magsaysay Memorial Hospital sa Iba, Zambales.

Nabatid na ang naturang ospital ay itinalaga rin bilang COVID-19 designated hospital

“Mahirap magkasakit, ito ang mga panahon na litong lito ang mga kababayan natin at hindi nila alam saan sila hihingi ng tulong,” pahayag ni Go.

Hindi na kailangan ng mga pasyente na magtungo sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan para humingi ng pinansyal na ayuda dahil sa ilalim ng Malasakit Center, nasa loob na ng ospital ang Department of Social Welfare and Development, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation, and Philippine Charity Sweepstakes Office.

Kinakailangan lamang ng pasyente o ng kanilang kamag-anak na mag-fill up ng form para makahingi ng pinansyal na ayuda at mabayaran ang hospital bill.

May inilaan ding express lane sa Malasakit Center para sa persons with disability at senior citizens.

“84th na Malasakit Center na po itong sa inyo sa Zambales at tuloy-tuloy po ito dahil batas na po ito ngayon,” pahayag ni Go.

“Sa batas na ito, magkakaroon po ng Malasakit Centers sa lahat ng 73 DOH-run hospitals at ‘yung mga local government hospitals na gustong magkaroon ng Malasakit Center, they have to follow a criteria na nakalaan sa batas katulad po ng inyo. Sumunod kayo sa criteria kaya meron na kayong Malasakit Center dyan sa Iba, Zambales,” dagdag ng Senador.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11463 o Malasakit Centers Act of 2019, lahat ng ospital na pinapatakbo ng Department of Health pati na ang Philippine General Hospital sa Manila ay binibigyan ng mandato na magtayo ng sariling Malasakit Centers.

Read more...