Iginiit ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriquez na malinaw na paglabag sa batas ang anumang hakbang para ipagpaliban ang eleksyon.
Ayon kay Rodriguez, tutol siya sa mungkahing ito dahil anumang deferment o pagpapahinto sa halalan ay paglabag sa itinatakda ng Konstitusyon na magsagawa ng pambansang eleksyon kada tatlong taon tuwing ikalawa ng Lunes ng buwan ng Mayo.
Kailangan aniyang maghalal ng susunod na Presidente at Bise Presidente sa 2022 lalo pa’t ang fixed ang termino ng mga ito at hindi maaaring palawigin.
Bukod dito, kailangang harapin din ng mga senador, kongresista, at mga LGU elective officials ang desisyon ng taumbayan pagsapit ng halalan.
Bagamat naintindihan ni Rodriguez ang concern ng kasamahang kongresista na posibleng marami ang hindi bumoto dahil sa takot sa COVID-19, mayroon pa naman aniyang mahigit isang taon at kalahati para mapaghandaan ito at posibleng sa panahong iyon ay mayroon na ring bakuna laban sa sakit.
Sakali naman aniyang may COVID-19 pa sa 2022 ay nariyan ang COMELEC na maghahanda para sa epektibo at episyenteng paraan ng pagsasagawa ng halalan.