Cebu City Asst. Prosecutor, nagwala, nangagat, nanakit ng ka-live in ng asawa

 

Mula sa Google

Sinampahan ng patong-patong na kaso si Cebu City Assistant Prosecutor Mary Ann Castro dahil sa kaniyang pananakit sa live-in partner ng kaniyang nakahiwalayang mister, pati na sa isang pulis.

Lunes ng gabi, nalaman ni Castro na nasa kustodiya na ng Regional Special Operations Group (RSOG) sa Camp Sergio Osmeña sa Cebu City si Maricel Raffinan Gregory, dahil sa apat na counts ng internet libel na isinampa ni Castro laban sa kaniya.

Agad na pinuntahan ni Castro ang kinaroroonan ni Gregory na tatlong buwang buntis at kasama ang kaniyang dalawang anak na may edad 4 at 2 taong gulang habang siya ay naka-ditine.

Ipinilit ni Castro sa mga pulis na dapat ilipat si Gregory sa Talisay City dahil doon isinampa ang mga kaso, ngunit tumanggi ang RSOG.

Nang makita ni Castro si Gregory, agad niya itong sinugod habang karga ang isa sa kaniyang mga anak at binuhusan pa ito ng softdrink.

Inatake rin niya ang mga pulis na umawat sa kaniya, at sinira rin niya, kasama ang apat pang ibang kalalakihan, ang pinto ng opisina ng RSOG nang hindi siya papasukin.

Inakusahan rin si Castro ng pananakit kay Sr. Insp. Ruel Burlat na nagtamo ng kagat nang subukan siyang pakalmahin.

Si Gregory ang ka-live in ni Leodegreco Sanchez, anak ng yumaong Cebu Vice Gov. Gregorio Sanchez at naging asawa ni Castro sa loob ng anim na buwan.

Nag-simula na ang relasyon nina Sanchez at Gregory bago pa man sila ikasal ni Castro, at may dalawa silang anak, at ipinagbubuntis na rin ni Gregory ang ikatlo.

Nanindigan naman si Castro na isang uri ng harassment ang ginawa sa kaniya ng mga pulis, at iginiit na siya na nga ang na-agrabyado, siya pa ang inaresto.

Balak rin niyang mag-sampa ng counter-charges oras na makapag-piyansa siya.

Mga kasong direct assault, malicious mischief, grave coercion, oral defamation, resistance at disobedience ang isinampa laban kay Castro.

Read more...