Sa ulat ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), mahigit 40,000 OFWs na lumabas na negatibo sa nakakahawang sakit ang nakauwi na sa probinsya sa buwan ng Setyembre.
Kabilang dito ang 1,440 OFWs na naihatid noong Miyerkules, September 23.
Dahil dito, umabot na sa 218,205 ang kabuuang bilang ng OFWs na naasistihan ng kagawaran para makauwi ng probinsya simula noong Mayo.
Ang OFW returnees ay binigyan ng accommodation, food, transportation, at COVID testing pagkadating ng Pilipinas.
Bilang tulong, nagpaabot ang DOLE ng one-time P10,000 o $200 cash aid sa ilalim ng Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) program sa OFWs na naapektuhan ang kinikita dulot ng pandemya.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, mas marami pang OFW ang magiging benepisyaryo ng AKAP program kasunod ng pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2 law.
Sinabi pa ng kalihim na may alternatibong overseas job markets para sa displaced OFWs tulad sa Kingdom of Saudi Arabia na tumatanggap at nagpoproseso na ng work visas; Qatar kung saan in-abolish na ang ‘kafala’ system; at sa Kingdom of Bahrain kung saan ni-renew na ang recruitment ng household service workers.
Bukas din ang job markets para sa Filipino workers sa China, Japan, Czech Republic, at Taiwan.