Nai-turnover na ng Bureau of Customs – Port of NAIA (BOC-NAIA), katuwang ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasamsam ng shabu sa DHL Warehouse sa Pasay City.
Ayon sa BOC, itinago ang kontrabando sa tin cans ng wafer at pakete ng chocolates, stuffed toys, candies at slippers.
Aabot sa 640 gramo ang nasabat na shabu na may estimated street value na P4.5 milyon.
Nagmula ang kontrabando sa Las Vegas, Nevada, U.S.A. at naka-consign sa isang residente sa Hagonoy, Bulacan.
Nakumpirma sa PDEA Chemical Laboratory Analysis na shabu ang laman nito.
Dinala ang kontrabando sa PDEA para sa karagdagang profiling at case build up laban sa importers at mga responsableng indibidwal na posibleng maharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 na may koneksyon sa Section 1401 ng Customs Modernization and Tariff Act.
Tiniyak naman ng BOC-NAIA sa publiko na mananatili silang alerto upang protektahan ang bansa laban sa importation at exportation ng mga ilegal na droga.
Patuloy din silang magiging aktibo katuwang ang PDEA at NAIA-IADITG para sa anti-illegal drugs campaign sa bansa.