Walk-in COVID-19 testing center sa Ospital ng Tondo, inilunsad na
Pinangunahan ni Manila Mayor Isko Moreno ang paglulunsad ng ikalimang walk-in COVID-19 serology testing center sa Ospital ng Tondo (OsTon).
Ayon kay Moreno, kayang ma-accommodate ng testing facility ng 100 katao bawat araw mula Lunes hanggang Biyernes simula 6:00 ng umaga.
“It’s going to be given for free by our Manila City government. Naaawa naman ako sa tao. May mga gusto na pumasok sa trabaho, gagastos pa sila. Ang negosyante, lugi-lugi na rin. Gagastos pa sila for testing. That is why we’ve always wanted to offer this service,” pahayag ni Moreno.
Bukas aniya ang bagong walk-in testing center sa lahat, residente man o hindii ng Maynila.
“Kahit sino, pwede magpa-test dito. Kahit hindi taga-Maynila. (The COVID-19 pandemic) is a universal problem. We have to approach it inclusively. That is why this is open for all and for free,” sinabi ng alkalde.
Samantala, binanggit din ni Moreno na magbubukas ng isa pang swab testing laboratory sa lungsod.
“Palalakasin din namin ang capability ng local government sa pamamaraan ng ‘gold standard’ way of testing. We are about to finish an additional swab laboratory testing area with two machines given to us by DOH and DBM,” ani Moreno.
Oras na mailunsad ito, sinabi ng alkalde na makakapagsagawa na ang Manila City government ng 1,000 swab tests kada araw.
Sa ngayon, mayroon nang limang walk-in serology testing centers, dalawang drive-thru testing sites, isang swab testing laboratory at regular mobile serology testing activities sa Maynila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.