Comelec nakahanda para sa pagdaraos ng 2022 elections

Nakahanda ang Commission on Elections (Comelec) sa pagdaraos ng 2022 national elections sa kabila ng COVID-19 pandemic.

Pagtitiyak ito ni Comelec Chairman Sheriff Abas sa pagdinig ng Kamara sa panukalang 2021 budget ng Comelec.

Sinabi ni Abas na mayroon na silang iba’t ibang partnership sa ibang mga bansa tulad ng South Korea kung saan pinag-aaralan na nila ngayon ang “best practices” na maaaring makuha dito ng Pilipinas sa isasagawang halalan.

Nababahala naman si Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun na posibleng ang “best practices” sa pagsasagawa ng eleksyon sa ibang bansa ay hindi akma para sa Pilipinas.

Nangangamba ang kongresista na hindi malabo ang disenfranchisement ng mga botante kung hindi matitiyak ng Comelec ang safety electoral protocols sa 2022.

Tuluy-tuloy, ayon kay Abas, ang kanilang pagpaplano at pinagbabatayan nila sa komisyon ang development sa bakuna.

Sinabi naman ni Comelec Executive Director Bartolome Sinocruz na ilan sa mga posibleng ipatupad sa 2022 elections ay pagbabawas ng seats o hanggang limang botante lamang ang papasukin sa bawat polling precincts at pagtatalaga ng voter’s assistance desk sa bawat voting centers.

Bukod dito ay pinag-aaralan na rin ng Comelec ang posibilidad na gawing online ang paghahain ng mga kandidato sa kanilang certificate of candidacy (COC) para naman sa susunod na taon.

Samantala, sinabi naman ni Comelec Spokesperson James Jimenez na ginagamit na nila ang Facebook para magsagawa ng webinars at information dissemination sa publiko kaugnay sa voting education at registration sa gitna ng pandemya.

Read more...