Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa panukalang 2021 budget ng Comelec, sinabi ni Arroyo na tiyak na magkakaroon ng hawahan ng COVID-19 sa araw na isasagawa ang eleksyon.
Kahit anong gawin din aniyang paghahanda ng Comelec ay marami ang hindi magpaparehistro sa halalan at marami ang hindi boboto sa mismong araw ng eleksyon dahil sa takot na magkasakit ng COVID-19.
Sagot naman ni Comelec Chairman Sheriff Abas na hindi nila maaaring ipagpaliban ang halalan dahil nasa constitutional mandate nila na isagawa ang eleksyon.
Ang dalawang sangay ng Kongreso at ang Pangulo aniya ang may call sa usapin na ito sapagkat para ipagpaliban ang halalan ay kailangan munang maipasa ang batas para rito.
Sinabi naman ni Arroyo kay Abas na sila mismo sa Comelec ang magtulak sa pagpapaliban ng halalan dahil kung silang mga mambabatas ay posibleng hindi ito tanggapin ng taumbayan at isipin na nais lamang nilang i-extend ang kanilang termino.
Handa naman ang Comelec na pag-aralan ang rekomendasyon ng kongresista kung saan gagawing batayan dito ang development sa kalusugan at bakuna sa COVID-19.