Pahayag ito ng Palasyo sa inihaing batas na Philippine Human Rights Act ni Pennsylvnia Representative Susan Wild na itigil na ang pagbibigay ng security assistance sa Pilipinas dahil lumalala na umano ang kaso ng human rights violations sa bansa.
Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, “wild suggestion” ang panukala ni Wild.
“That’s a very wild suggestion. Kampante po kami na ang State Department naman po at administration ni President Trump dahil sa malapit na pagkakaibigan ng ating Presidente kay President Trump ay nakikita ang halaga ng patuloy na kooperasyon sa pagitan ng Estados Unidos at ng Pilipinas,” pahayag ni Roque.
Kahit sino naman aniya ay maaaring maghain ng panukalang batas.
“Alam niyo naman po, parang dito sa Pilipinas, kahit sinong kongresista pupwedeng maghain ng panukalang batas pero ang chances na ang panukalang batas po ay maisasabatas ay napakaliit po. So hayaan na po natin yan. yan po ay personal na opinyon ni Congresswoman Susan Wild, which is a very wild idea,” dagdag ni Roque.
Gayunman, agad na nilinaw ni Roque na hindi manghihimasok ang Pilipinas sa soberenya ng Amerika.
“Hindi natin pinanghihimasukan ang mga soberanyang bansa. Kung gusto nilang gawin, gawin nila ‘yan. Pero kampante nga tayo sa tingin ko kinikilala naman ng Estados Unidos ang halaga ng Pilipinas sa pagiging partner niya pagdating din sa mga usapain ng national security ng Estados Unidos mismo. Hayaan na po nating gumulong ang proseso sa Estados Unidos, pero iisa lang po yan out of ilang hundreds of congressmen and congresswomen sa US Congress at kinakailangang aprubahan pa yan ng US Senate dahil pareho naman ang sistema ng Amerika at Pilipinas pagdating po sa legislation,” pahayag ni Roque.
Una rito, nagbanta na rin ang isang miyembro ng European Union na tanggalan ng tariff perks o taripa ang mga produktong galing ng Pilipinas bilang protesta sa human rights abuses sa bansa.