Dalawang LPA, Habagat patuloy na magdudulot ng pag-ulan sa bansa
Binabantayan ng PAGASA ang tatlong umiiral na weather system sa bansa kabilang ang dalawang low pressure area (LPA) at Southwest Monsoon o Habagat.
Ayon kay PAGASA weather specialist Chris Perez, huling namataan ang isang LPA sa layong 575 kilometers Silangang bahagi ng Aparri, Cagayan habang ang isa pang LPA ay nasa 470 kilometers Silangan Hilagang-Silangan ng Catarman, Northern Samar.
Bunsod nito, kasama ang epekto ng Habagat sa Visayas at Mindanao, ay asahang patuloy na makakaranas ng pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa buong Central Luzon, Bicol region, Isabela at Quirino at Samar provinces hanggang Miyerkules ng gabi, September 23.
Sinabi ni Perez na mababa pa ang tsansa na lumakas ang dalawang LPA at maging bagyo sa susunod na 24 oras.
Ang nararanasang pag-ulan na kung minsan ay may kidlat at kulog sa Metro Manila at ilang lalawigan sa Central Luzon at CALABARZON ay dulot ng localized thunderstorm.
Sa araw ng Huwebes, September 23, posible pa rin aniyang maging maulap na may pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa Silangang bahagi ng Central Luzon, Bicol region, at Palawan area.
Sa Metro Manila at nalalabi namang bahagi ng Luzon, asahang magiging maalinsangan ang panahon.
Gayunman, hindi pa rin inaalis ni Perez ang posibilidad na magkaroon ng isolated thunderstorms lalo na sa hapon at gabi.
Samantala, sa buong Visayas at Mindanao naman, inaasahang magiging mainit na ang lagay ng panahon ngunit maaari pa ring makaranas ng isolated rainshowers lalo na sa hapon at gabi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.