Leadership skills ni Marinduque Rep. Velasco kinuwestyon ng kapwa kongresista
Kinuwestyon ni Capiz Rep. Fred Castro ang leadership skills ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco upang pamunuan ang Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa kanyang privilege speech sinabi ni Castro, hindi nagtrabaho, walang iniambag, at hindi rin dinepensahan ni Velasco ang Kamara kaya papaano sila susunod sa kanya sa oras na siya na ang maupo bilang lider ng Kapulungan.
Ipinaalala nito kay Velasco na minsan nang inanyayahan ito ni Speaker Cayetano na maging kasama sa pagpapatakbo ng Kamara nang inalok ito bilang maging senior deputy speaker subalit ito ay tinanggihan at mas pinili na maging chairman na lamang ng House committee on energy.
Maging ang mga kaalyado nga raw ni Velasco ay inalok din ng posisyon sa Kamara subalit sa kabila nito ay pawang pang-iintriga raw ang isinukli sa House leadership.
Sinabi nito na base sa aniya’y mga mapanlinlang na pahayag ng mga pinatutungkulan niyang kapwa kongresista, may nakahanda na raw ang mga ito na papalit sa iba’t ibang posisyon sa Kamara.
Pero pinaalalahanan ni Castro na sa oras man na matuloy ang term-sharing agreement nito kay Speaker Alan Peter Cayetano sa darating na Oktubre, tanging ang speakership post at chairman ng committee on accounts ang mapapalitan.
Walang smooth transition na mangyayari aniya kung gagalawin pati ang ibang mga posisyon katulad na lamang ng mga nakaupong Deputy Speakers.
Apela naman ni Castro sa kabilang kampo, huwag naman daw sana maging brutal at masyadong halata dahil sa simula pa lang, nang mabuo ang term-sharing agreement sa pagbubukas ng 18th Congress, ay walang humpay na aniya ang panggulo at paninira ng mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.