Relasyon ng Pilipinas sa China pinahahalagahan pa rin ni Pangulong Duterte
Pinahahalagahan pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang relasyon nito sa China.
Sa kabila ito ng paggiit ng pangulo sa arbitral victory ng Pilipinas laban sa China sa agawan ng teritoryo sa South China Sea sa kaniyang speech sa UN Assembly.
Sa panayam ng Radyo INQUIRER sinabi ni International Studies Expert Rommel Banlaoi na hindi binanggit ng pangulo ang sigalot sa Taiwan Strait.
Ito ay nangangahulugan aniyang pinapahalagahan ng pangulo ang pagiging magkaibigan ng China at Pilipinas.
Kinikilala aniya ni Pangulong Duterte na ang usapin sa Taiwan ay internal issue ng China kaya ang mga binanggit lamang niyang usapin ay pawang international issues.
“Pinapahalagahan pa din niya ang pagkakaibigan ng Pilipinas at China
kaya ang binanggit lang niya ay international issues. Hindi niya binanggit ang tensyon sa Taiwan, dahil kinikilala ng pangulo na internal issue ng China ang Taiwan Strait,” ayon kay Banlaoi.
Maituturing namang “strong message” sa China ayon kay Banlaoi ang paggigiit ng pangulo sa tagumpay ng Pilipinas sa Arbitral Tribunal.
“Malakas na mensahe sa China ang pahayag ng pangulo na bahagi ng international law ang arbitral ruling at dapat respetuhin ito ng China,” ani Banlaoi.
Ang ibig aniyang sabihin nito ay hindi binibitawan ng pangulo ang legal victory ng Pilipinas sa tribunal at patuloy niya itong pinaninindigan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.