Sa pagdinig ng pinamumunuan niyang Committee on Women and Children, sinabi ni Hontiveros na ayon sa kanyang mga source at sa whistleblower na si Allison Chiong hindi pa kinikilala ang mga pasimuno ng raket ng ilan sa kanyang mga kasamahan sa NAIA Immigration.
Una nang sinampahan ng NBI ng mga kaso ang 19 Immigration personnel at isang may ari ng travel agency kaugnay sa naturang raket, kung saan madaling nakakapasok sa bansa ang Chinese citizens kapalit ng P10,000 bawat isa.
Sinabi pa ni Hontiveros sa pamamagitan ng raket nakapasok sa bansa ang ilang banyagang kababaihan na nauwi sa prostitusyon.
Pagdidiin nito, sa mga naunang pagdinig sa Senado, lumutang ang ilang ebidensiya na nagsasangkot na sa malalaking personalidad.
Sa pagbubunyag pa ni columnist/broadcaster Ramon Tulfo itinuro nito si dating Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na may nalalaman sa ‘pastillas scheme’ gayundin ang mag-amang Maynardo at Marc Red Mariñas, kapwa humawak ng sensitibong posisyon sa Bureau of Immigration.