Nakokolektang spectrum user fees, dapat gamitin para palakasin ang internet speed sa bansa
Ipinagagamit ni Deputy Majority Leader Rep. Bernadette Herrera sa pamahalaan ang pondong nakokolekta sa spectrum user fees o SUFs upang palakasin ang internet speed sa bansa.
Sabi ng kongresista, kinokolekta kada taon mula sa mobile network operators ang SUFs, bukod pa ito sa iba pang fees na ipinapataw ng National Telecommunications Commission (NTC).
Aabot aniya sa P6 bilyon ang nakolekta ng pamahalaan sa SUF nitong December 31, 2019.
Dapat aniyang gamitin ang P6 bilyong SUFs para pondohan ang pagtatayo ng mga pasilidad na magpapabilis sa internet speed at connectivity.
Sapat na aniya ito para ayusin ang sitwasyon ng internet sa Pilipinas upang wala nang batang umiiyak sa tuwing mawawalan ng internet habang nagkaklase at walang empleyadong magpa-panic sa tuwing nawawala ang internet connection.
Nauna dito ay nangako si Information and Communications Technology Secretary Gregorio Honasan II na makikipag-ugnayan sa Kongreso upang magamit ang nakokolekta sa SUF para sa pagsasaayos ng internet sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.