Nai-develop ang mobile app na TRAZE ng PPA in-house information technology experts at third-party developer na Cosmotech Philippines, Inc.
Ang nasabing mobile app ay may kapasidad na ma-trace ang galaw ng mga indibidwal sa loob ng PPA facilities nang hindi nagco-connect sa internet.
“One of the major breakthroughs of the app is that you can add up to 5 people or establishments in a single profile, thus, the system tracks their movement even without any mobile electronic device,” pahayag ni PPA General Manager Jay Daniel Santiago.
Matututukan din aniya ang mga establisyimento at sasakyan na nakarehistro sa system kung kaya magiging mas epektibo ang contact tracing sa mga pantalan.
“With this, all PPA personnel as well as those individuals, establishments, port workers, concessionaires, and other port stakeholders nationwide are mandated to download and use the app as a pre-condition to entry in PPA facilities,” ani Santiago.
Sa mga pasahero na walang access sa naturang app, sinabi ni Santiago na maaaring dumaan sa Malasakit Helpdesk upang mairehistro sa system.
Maaari aniyang magamit ng mga pasahero ang ibibigay na QR Code sa anumang Traze-registered port o establishment sa kanilang pagbiyahe.
Pwedeng ma-download ang mobile app sa Apple App Store at Google Play Store.
Matapos makumpleto at maberipika ang registration, maglalabas ng unique Trazer identification number at printable QR Code. Ang mga indibidwal na may mobile electronic devices na kayang magbasa ng QR Codes ay maaari lamang i-scam ito.
Sa mga wala namang mobile electronic devices ngunit rehistrado sa pamamagitan ng kakilala, kaibigan o kamag-anak, pwede i-print ang unique QR Codes para ma-scan sakaling magkaroon ng contact sa isang tao o establisyimento.
Ayon sa PPA, awtomatikong mano-notify ng system ang Traze-registered person sakaling makasalamuha ng isang tao na COVID-19 positive.
Maaari namang ma-review ng lahat ng Traze-registered individuals at establishments ang kanilang galaw sa history button ng app.
Naglabas na ang lahat ng PPA Head Office Departments ng unique QR codes, kung saan maaaring i-scan ng mga empleyado at bisita sa bawat entry at exit point ng PPA offices.
Ang mga Port Management Offices at Terminal Management Offices naman ay nasa proseso ng registration at inaasahang makukumpleto ito sa mga susunod na araw.
Samantala, ni-review ng Department of Transportation (DOTr) ang PPA Contact Tracing System na maaaring i-adopt at ipatupad bilang Philippine transportation COVID-19 contract tracing system.
Nagsasagawa na rin ng evaluation sa system ang Civil Aviation Authority of the Philippines upang magamit ito sa lahat ng paliparan.