Ikinababahala na ng isang international group na nag-susulong ng karapatang pantao, ang mabilis na pag-dami ng mga binibitay sa Saudi Arabia.
Noong Linggo lamang ay binitay na ang isang Saudi Arabian na si Alaa al-Zahrani sa Red Sea, dahil sa pagpatay sa kaniyang kababayan sa pamamagitan ng pag-pukol ng bato sa ulo nito.
Ito na ang ika-70 pag-bitay ng Saudi Arabia sa taong ito, na halos kalahati na sa kabuuang bilang ng mga binitay noong nakaraang taon.
Kabilang na rito ang 47 na binitay noong January 2 dahil umano sa terorismo.
Ayon kay Amnesty International UK’s Head of Policy and Government Affairs Allan Hogarth, may kakulangan ang Saudi sa kanilang sistema ng paglilitis kaya hindi ito nagiging patas.
Nakakabahala na aniya ang pag-sintensya ng mga korte sa Saudi Arabia ng death penalty sa napakaraming tao.
Dagdag pa niya, mistulang pinagla-laruan ng Saudi Arabia ang kanilang sistema ng hustisya dahil dose-dosenang mga tao ang nasasawi dahil sa hindi patas na pagli-litis tulad na lamang ng minsan ay may ibang mga akusado na hindi nabibigyan ng abogado.
Ani Hogarth, kadalasan rin na ang mga proceedings ay ginagawa ng palihim, at dine-desisyunan base sa mga pag-amin ng mga inaakusahan nila pagkatapos silang isailalim sa torture.
Nakakadismaya at nakapanlulumo aniya ang record ng Saudi Arabia sa pag-labag ng karapatang pantao, at panahon na anila na kumilos na ang UK kahit pa sila ay ‘strategic ally’ ng nasabing bansa.