Sec. Cimatu, Mayor Moreno nagsagawa ng inspeksyon sa Manila Bay
Nagsagawa ng inspeksyon sina Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu at Manila Mayor Isko Moreno sa Manila Bay beach.
Ito ay kasabay pagdaraos ng ika-35 International Coastal Clean-up Day sa araw ng Sabado, September 19.
Kasama rin nina Cimatu at Moreno sina Agriculture Secretary William Dar, DOLE Secretary Silvestre Bello, DSWD Secretary Rolando Bautista, MMDA Chairman Danny Lim at iba pang opisyal ng gobyerno.
Nagkolekta rin ng mga basura ang ilang ahensya ng gobyerno at mga pribadong organisasyon bilang bahagi ng cleanup activity sa Roxas Boulevard.
Kasabay ng International Coastal Clean-up Day, pansamantala ring binuksan ang Manila Bay sa publiko sa araw ng Sabado.
Nakiusap naman si Moreno sa publiko na makiisa sa paglilinis ng Manila Bay.
“Matapos gawin at patuloy na gagawin at aayusin, nakikiusap naman ako, ‘yung mga balat ng candy ninyo, pinag-inuman, pinagkainan ilagay niyo naman sa tamang sisidlan. Maging responsable rin tayong mamamayan. Hindi lamang ang gobyerno nagpoprotekta sa kapaligiran… Dumating kayong malinis, umalis din kayo nang malinis,” pahayag ni Moreno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.