On screen verification, dapat pwedeng kuhanan ng litrato ng mga botante – Marcos
Iminungkahi ni vice presidential candidate at Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Commission on Elections (COMELEC) na payagan na ang mga botante na kunan ng litrato ang screen ng vote counting machines (VCMs) matapos silang bumoto.
Ito’y sa harap ng tumatagal na usapin hinggil sa pagbibigay ng resibo sa mga botante na una nang ibinasura ng COMELEC.
Naniniwala si Marcos na ito na ang pinaka “win-win” compromise para maipatupad ng COMELEC ang kanilang desisyon na huwag nang magbigay pa ng vote receipts dahil magbibigay naman ng pagkakataon ang mga botante na agad na ma-verify ang kanilang boto.
Ayon pa kay Marcos na kailangan lamang na i-activate ang onscreen verification system at bigyan ang botante ng 15 segundo para makita nito ang kanyang boto kung tama ang pagkakabasa ng makina.
“Ang batas maliwanag na maliwanag, sinasabi na it is a confirmed printed record; may record ang bawat botante,” ayon dito.
Sa ganitong paraan ani Marcos, maiiwasan umano na ang sinasabi ng Comelec “na masyadong matrabaho, masyadong matatagalan (‘pag nag-print ng receipts). Kaya sinasabi ko, sige kung ganun ang sitwasyon eh ‘yun na lang ang compromise, makunan (ng litrato) ang screen.”
Bukod sa hahaba ang oras ng botohan, sinabi ng COMELEC na panibago na namang gastos ang pagbibigay ng resibo dahil bibili pa sila ng papel na wala naman na sa budget.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.