77 porsyento ng mga Pinoy, gusto nang mamasyal sa local tourist destinations

Handa na ang maraming Filipino na makabiyahe patungo sa iba’t ibang local tourism destination ng bansa sa kabila ng COVID-19 pandemic.

Sa pagdining nga Kamara sa panukalang pondo ng Department of Tourism (DOT), sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na batay sa kanilang travel survey, 77 porsyento ng mga Filipino ang handang bumiyahe sa tourist spots sa bansa kahit wala pang available na COVID-19 vaccine.

Mayroon naman aniyang 48 porsyento ng mga Filipino ang nagsabing babiyahe na sila sa loob ng anim na buwan matapos na luwagan ang travel restrictions.

Natukoy din sa naturang survey na pagpunta sa beach, road trip at staycation ang top travel activities na nais gawin ng karamihan sa mga Filipino.

Umaasa ang DOT na unti-unting makaka-recover ang turismo sa Pilipinas sa pamamagitan ng domestic leisure at budget travel.

Samantala, naglaan naman ng P6 bilyon ang DOT para sa tourist enterprises and businesses na apektado ng pandemya, P3 bilyon naman na cash for work program para sa mga displaced tourism-workers sa ilalim ng Bayanihan 2 at P100 milyon naman na ayuda para sa community at regional tour guides.

Aabot naman sa P250 milyon ang alokasyon para sa tourism circuit marketing upang palakasin ang domestic tourism at promotion ng mga produkto.

Para sa taong 2021, P3.520 bilyon ang pondo ng DOT kung saan pinakamalaki ang inilaan sa MOOE na P2.868 bilyon habang P648 milyon naman sa personnel expenses.

Read more...