Pangulong Duterte bukas na ilipat sa DOF ang PhiLhealth – Sen. Tito Sotto
Inimbitahan ni Pangulong Duterte sa Malakanyang sina Senate President Vicente Sotto III at House Speaker Alan Peter Cayetano para pag-usapan ang korapsyon sa gobyerno.
Ayon kay Sotto, Lunes nang matanggap niya ang imbitasyon at aniya nais ng pangulo na maamyendahan ang Anti-Red Tape Law gayundin ang Ease of Doing Business Law.
Dagdag pa nito, nagboluntaryo pa ang Punong Ehekutibo na dadalo bilang resource person sa mga ipapatawag na pagdinig ng Kongreso.
Ngunit ayon kay Sotto na gagawin lang nila ito sa panig ng Senado kung kakailanganin at nangako siya na padadalhan ang Malakanyang ng kopya ng mga panukala pag-amyenda sa dalawang batas bago nila ito pormal na ihahain.
Nabanggit aniya sa pulong ang kagustuhan ng pangulo na isapribado na ang Philhealth ngunit ayon kay Sotto ikinatuwiran niya na maaring makabuti na maghintay muna ng ilang buwan at abangan ang gagawing diskarte ni Philhealth President Dante Gierran.
Ipinaalam din ni Sotto kay Pangulong Duterte na may panukala siya na maamyendahan ang Universal Health Care Law para mailipat sa pangangasiwa ng Department of Finance mula sa Department of Health ang Philhealth.
Katuwiran ni Sotto, isang financial entity ang Philhealth at hindi health entity.
Aniya bukas naman ang pangulo sa kanyang balak.
Idinagdag pa ni Sotto na handa na siyang mapag-usapan ang nais ng mga senador na palitan na si Duque at isama sa mga dapat makasuhan ukol sa mga anomalya sa Philhealth ngunit hindi naman nabanggit ni Pangulong Duterte ang isyu sa kalihim kayat hindi na rin aniya binanggit.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.