Mar Roxas at Labor Sec. Baldoz pinakakasuhan dahil sa Kentex fire
Muling sumugod sa Department of Justice ang mga kaanak ng 74 na mga manggagawang nasawi sa Kentex fire sa Valenzuela City noong nakaraang taon.
Ayon sa mga kaanak ng mga biktima, nakababahala ang naging desisyon ng Ombudsman na suspendihin si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian gayung hindi naman kinasuhan si dating Interior Secretary Mar Roxas.
Ayon sa mga ralyista, malinaw na may kapabayaan si Roxas dahil hindi pa rin ipinasara ang Kentex kahit na hindi ito binigyan ng Fire Clearance ng Bureau of Fire Protection (BFP) na nasa ilalim ng panangasiwa ng DILG.
Nadismaya rin ang mga kaanak nang mistulang absweltuhin sa pananagutan si Labor Sec. Rosalinda Baldoz gayung dapat itong madiin sa kaso dahil hindi binigyan ng ahensya ng certificate of compliance ang Kentex.
Iginiit pa ng mga kaanak ng mga biktima na malinaw na may halong pulitika na ang kaso ng Kentex fire dahil hindi kinasuhan ang mga dapat managot sa nasabing trahedya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.