Panukala upang palawigin ang Tax Amnesty Act, pasado na sa Kamara
Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala upang palawigin pa ng dalawang taon ang estate tax amnesty.
Sa botong 209 na YES at walang pagtutol, pumasa ang House Bill 7068 na naglalayong amyendahan ang Republic Act 11213 o ang Tax Amnesty Act.
Ayon kay Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda, sa ilalim nito, bibigyan ng kaluwagan ang mga indibidwal na may outstanding tax liabilities.
Kapag naging batas, palalawigin pa ng dalawang taon ang amnesty para sa paghahain ng estate tax na inaprubahan noong February 2019 ng pangulo.
Magugunitang sinabi ng Bureau of Internal Revenue na mula 2019 hanggang June 2020 ay aabot lamang sa 23,911 ang nag-avail ng Estate Tax Amnesty at Tax Amnesty on Delinquencies.
Nasa P3.40 bilyon pa lamang ang nakokolekta ng BIR para sa estate tax delinquency habang P4.75 bilyon ang nakolekta para sa pagbabayad ng estate tax sa nasabing panahon.
Malayo pa ito sa target na P21 bilyon para sa tax amnesty on delinquencies at P6 bilyon para sa maghahain ng estate tax.
Tatagal lamang ang bisa ng batas ng dalawang taon matapos itong aprubahan ni Pangulong Duterte noong February 2019.
Nagpapasalamat naman ang mga may-akda ng panukala na sina Majority Leader Martin Romualdez, Tingog Partylist Rep. Yedda Marie Romualdez at Zamboanga Sibugay Rep. Wilter Palma II sa suporta ng mga kongresista dahil mabibigyan ng kaluwagan at pagkakataon na makapagbayad pa ang mga indibidwal ng kanilang outstanding tax liabilities.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.