Nasa 57 porsyento ng mga adult Filipino ang naniniwalang mas lalala pa ang krisis sa COVID-19 sa Pilipinas, batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Lumabas sa SWS July 3-6, 2020 National Mobile Phone Survey na 57 porsyento ang nagsabing “the worst is yet to come” o mas lalala pa.
Bumaba naman sa 35 porsyento ang nagsabing “the worst is behind us” o lumipas na ang pinakamalala habang walong porsyento ang hindi nagbigay ng sagot.
Pinakamaraming sumagot na “the worst is yet to come” sa bahagi ng Metro Manila na nasa 70 porsyento.
Sumunod dito ang Visayas na may 61 porsyento, Balance Luzon na may 56 porsyento at Mindanao na may 49 porsyento.
Karamihan naman ng mga naniniwalang “the worst is behind us” ay naitala sa Mindanao (41 porsyento), sumunod ang Balance Luzon (35 porsyento), Visayas (33 porsyento), at Metro Manila (26 porsyento).
Sa inilabas pang datos ng survey, mayorya ng mga Canadian at American ay may pangamba rin na mas lalala pa ang nararanasang krisis.
65 porsyento ng Canadians ang sumagot na “the worst is yet to come” habang 59 porsyento naman sa Amerika.
Isinagawa ang probability-based survey gamit ang mobile phone at computer-assisted telephone interviewing sa 1,555 Filipinos na may edad 18 pataas.