Ipinag-utos ng Korte Suprema ang agarang pagpapatalsik sa puwesto ng isang hukom sa Ilocos Sur dahil sa mga iregularidad sa paggawa ng desisyon sa annulment cases.
Unanimous ang naging botohan ng mga mahistrado para patalsikin si Judge Raphiel Alzate, acting president judge ng RTC Branch 24 sa Cabugao, Ilocos Sur at RTC Branch 58 sa Bucay, Abra dahil sa gross ignorance of the law at gross misconduct.
Hindi na makukuha ni Alzate ang lahat ng kanyang mga benepisyo maliban sa naipon na ‘leave credits’ at habambuhay na rin itong hindi makakapag-trabaho sa anumang sangay ng gobyerno.
Iniimbestigahan na rin ang abogadong si Saniata Liwliaw Alzate, asawa ng hukom, dahil sa diumano’y bahagi nito sa mga kuwestiyonable desisyon ng kanyang mister.
Nabatid na nagsagawa ng pag-iimbestiga ang audit team ng Office of the Court Administrator at napatunayan na nagdedesisyon si Alzate sa annulment cases na may pinansiyal na konsiderasyon.
Napansin din na lumobo ang nullity of marriages sa isinampa sa sala ni Alzate nang maupo siya sa Cabugao RTC noong 2016 gayundin sa kanyang korte sa Bucay, Abra.
May iba pang mga nilabag si Alzate na mga panuntunan ng korte sa pagsasagawa ng pagdinig na mga paglabag sa Code of Judicial Conduct.