Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni PAGASA forecaster Aldzcar Aurello na wala nang umiiral na hanging Amihan sa ngayon.
Dahil dito ayon kay Aurello, posibleng sa susunod na linggo ay ideklara na ng PAGASA ang opisyal na pagpasok ng dry season sa bansa kung hindi na babalik ang Amihan. “Posible po next week, pumasok na ang summer season kung hindi nap o babalik ang Amihan, sa ngayon po kasi wala ng Amihan,” ayon kay Aurello.
Sa ngayon, easterlies o mainit na hanging mula sa Silangan ang naka-aapekto sa Eastern section ng buong bansa.
Kahapon mainit na 34.7 degrees Celsius na ang naitalang maximum temperature ng PAGASA sa Metro Manila ganap na alas 3:00 ng hapon.
Wala pa ring namamataang sama ng panahon ang PAGASA sa loob at papalapit sa Philippine Area of Responsibility (PAR).