Bea Alonzo, Piolo Pascual at Dennis Trillo, nanalo sa PMPC Star Awards
Nasungkit ni Bea Alonzo ang titulong Movie Actress of the Year para sa pelikulang “A Second Chance” sa 32nd PMPC Star Awards for Movies na ginanap Linggo ng gabi sa Newport Performing Arts Theater.
Tabla naman sa parangal na best actor sina Piolo Pascual at Dennis Trillo.
Si Pascual ay hinirang para sa kaniyang pelikulang “Silong”, habang si Trillo naman ay para sa pelikulang “Felix Manalo” na humakot rin ng iba pang parangal.
Nakuha rin kasi itong Movie of the Year sa direksyon ni Joel Lamangan na itinanghal namang Movie Director of the Year, pati na ang Movie Theme song of the Year para sa “Ang Sugo ng Diyos Mula Sa Mga Huling Araw.”
Samantala, nagwagi naman ang pelikulang “Bambanti” para sa Indie Movie of the Year sa direksyon ni Zig Dulay na nag-waging Indie Movie Director of the Year.
Best Supporting Actress naman si Alessandra De Rossi para sa “Kid Kulafu,” at Best Supporting Actor si Tirso Crus III para sa “Honor Thy Father.”
Naka-ilang parangal rin ang “Heneral Luna” dahil itinanghal si Jerrold Tarog bilang Editor of the Year at Best Movie Musical Scorer, habang si Mikko Quizon naman ang nanalong Movie Sound Engineer of the Year.
Pinarangalan naman ng Indie Editor of the Year si Benjamin Tolentino para sa pelikulang “Tandem,” habang Indie Sound Engineer of the Year naman si Jess Carlos para sa “Silong.”
Sina Janella Salvador at Marlo Mortel naman ay parehong ginawaran ng New Movie Actress at Actor of the Year.
Itinanghal namang Best Child Performer of the Year for Indie Film si Micko Laurente para sa “Bambanti.”
Iginawad ng PMPC ang Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Award kay Amalia Fuentes, habang ang Ulirang Alagad ng Pelikula sa Likod ng Kamera Lifetime Achievement Award naman ay napunta sa beteranong direktor na si Mel Chionglo.
Napunta naman sa tambalang Kathryn Bernardo at Daniel Padilla ang unang Love Team of the Year award.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.