Sa pagdinig, umalma sina ACT Teachers Rep. France Castro at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate sa ginagawang terrorist-tagging sa kanila ni Communications Undersecretary Lorraine Badoy sa social media.
Sinabi ni Zarate na malinaw sa post ni Badoy na tinatawag silang terorista bukod pa sa nakasaad na hindi ang mga ito tunay na mambabatas.
Dahil aniya sa nasabing post ay nadamay din sa mga banta at pananakot ang kanilang mga pamilya.
Hindi sila papayag sa ganitong mga terrorist-tagging laban sa kanila gayong tuwing budget season ay sa kanila namang mga mambabatas lumalapit ang mga ahensya katulad ng PCOO.
Pag-alisputa din, ayon kay Zarate, ang ginawa ni Badoy sa buong Kongreso bilang isang institusyon.
Ipinaalala pa ni Zarate na sila ay mga halal na opisyal ng taumbayan at dapat maging responsable si Badoy sa kanyang social media posts.
Paliwanag naman ni Communications Secretary Martin Andanar, personal account ang post ni Badoy at hindi ito kumakatawan sa buong ahensya kaya hindi dapat maapektuhan ang budget ng PCOO.
Ipinakita ni Castro ang Facebook post ni Badoy kung saan naroon ang larawan ng mga kongresista ng MAKABAYAN at nakasaad na sila ay mga terorista at hindi mga aktibista.
Agad na nagmosyon si Castro na isuspinde ang pagdinig sa PCOO budget na sinegundahan naman ni Zarate.