MMDA nakipagsanib-pwersa sa ibang ahensya para sa istriktong traffic enforcement

Nakipagkasundo ang MMDA sa ibat-ibang ahensiya ng gobyerno para palakasin pa ang pagpapatupad ng mga batas-trapiko sa Metro Manila.

Nagkasundo ang MMDA, PNP – Highway Patrol Group, LTO, LTFRB at Department of Transportation para sa naturang plano na layon mabawasan ang mga aksidente na kinasasangkutan ng mga sasakyan.

Ilan lang sa mga napagkasunduan ang pagpapaigting ng kampaniya laban sa anti-drunk and anti-distracted driving, kanselahin ang lisensiya ng mga driver na paulit ulit nang nasasangkot sa mga aksidente at sampahan ng mga kaso ang lumalabag sa RA 10913 o ang Anti-Distracted Driving Act.

Gayundin, sumang ayon ang mga kinatawan ng mga ahensiya na taasan ang multa sa mga driver na nakakawasak ng mga pag-aari ng gobyerno, maglagay ng strategic checkpoints tuwing curfew hours, magsagawa ng random breath analyser sa mga driver at regular na makipag-diyalogo sa transport and motorists groups.

Nabanggit sa pulong ni MMDA Gen. Manager Jojo Garcia na nakaka-alarma na ang mga aksidente lalo na ang pagbanggsa sa mga concrete-barrier sa kahabaan ng EDSA.

Aniya base sa Road Crash Statistics sa Metro Manila mula noong Enero hanggang nitong Agosto, 31,811 aksidente ang nangyari sa Metro Manila, na nagresulta sa pagkamatay ng 136 katao, pagkakasugat ng 6,614 at pagkakasira ng 25,061 ari-arian.

Ayon pa kay Garcia karaniwang sanhi ng mga aksidente ay pagmamaneho ng lasing, sobrang pagod, overspeeding, unauthorized use of accessories, distracted driving at dahil na rin sa hindi maayos na kondisyon ng sasakyan.

 

 

Read more...