Hiniling ni Senator Christopher “Bong” Go sa gobyerno na mamahagi ng mask sa mga pampublikong lugar.
Kasabay nito ang kanyang apila na istriktong pagpapatupad ng minimum health and safety protocols para mapigilan na ang pagkalat ng COVID-19.
“I urge concerned agencies to strictly enforce necessary health and safety protocols, especially in public places. Gustuhin man natin bumalik sa normal ang pamumuhay ng mga tao, unahin dapat natin ang kapakanan at buhay ng mga ordinaryong Pilipino,” aniya.
Sinabi nito na maaaring simulan ang pamamahagi ng masks sa mga pampublikong pamilihan sa katuwiran na, “ang mga public markets natin ay isa sa mga lugar kung saan madalas bisitahin ng mga tao. Dito rin nabubuhay ang lokal na ekonomiya ng mga komunidad. Habang sinusubukan nating maiahon ang kabuhayan ng mga tao, patuloy rin nating protektahan sila mula sa sakit.”
Hinikayat din niya na tulungan ang mga lokal na negosyo na gumagawa ng mask para magpatuloy ang mga trabaho.
Diin nito, sa tamang pagsusuot ng mask hanggang 85 porsyento ang proteksyon na mahawa ng nakakamatay na sakit.