Bahagi ng baywalk sa Roxas Boulevard sa Maynila na nilagyan ng artificial white sand, bubuksan sa publiko
Plano ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ipakita sa publiko ang bahagi ng baywalk sa Roxas Boulevard sa Maynila na tinambakan ng artificial white sand.
Sa pagdinig ng Kamara sa panukalang budget ng DENR sa susunod na taon, sinabi ni DENR Secretary Roy Cimatu na plano nilang buksan ito sa publiko sa September 19, 2020.
Nilinaw naman ni Cimatu na dumaan sa pag-aaral ang proyekto para matiyak na walang epekto sa kalusugan ng publiko ang paggamit ng crushed dolomite boulders, na inangkat pa mula Cebu.
Una aniya nilang ikinonsidera ang paggamit ng lahar subalit hindi aniya ito pino at maputik kung ikukumpara sa artificial white sand na kanilang ginamit.
Nagkakahalaga ng P28 milyon ang gastos sa pagbili ng crushed dolomite boulders, kasama na ang buwis na kailangan bayaran at ang bayarin sa pag-angkat nito mula sa Cebu patungong Manila.
Pinawi naman din ng kalihim ang pangamba ng publiko na masayang lamang ang gastos sa naturang proyekto sa oras na tangayin lamang ng malalaking alon ang itinambak na artificial white sand.
Iginiit ni Cimatu na mayroon silang geo-tube intervention na ginamit upang sa gayon ay hindi maanod ang itinambak nilang buhangin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.