DND, mayroon pang mahigit P100-M pondo para sa COVID-19 response
Mayroon pang mahigit P100 milyon na natitirang pera na hindi nagagamit ng Department of National Defense (DND) sa pondong ibinigay sa kanila para sa COVID-19 response sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.
Sa budget hearing sa Kamara, sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na P176.9 milyon pa ang hawak nilang pera sa para sa COVID-19 response na kanilang gagamitin sa mga susunod na buwan.
Nabigyan ang DND ng P979.3 bilyon sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act kung saan sa nasabing halaga, P150 milyon ang napunta para sa health command center ng Armed Forces of the Philippines, P24.2 milyon ang napunta sa General Head Quarters; P14.6 milyon para sa Philippine Army; P45.5 milyon para sa Philippine Airforce; P15.5 milyon para sa Philippine Navy; at P728.6 milyon para sa Office of the Civil Defense (OCD).
Ginamit ang pondong ito para sa mga sundalong na-deploy sa mga checkpoint sa gitna ng lockdown, paghango ng Philippine Airforce at Navy ng personal protective equipment (PPE) mula China at paghatid ng mga ito sa iba’t ibang probinsya sa bansa, at para sa treatment facilities at isolation centers ng OCD.
Bagama’t nabigyan ng nasa P1 bilyong alokasyon, sinabi ni Lorenzana na P19 bilyon naman ang binawas ng Department of Budget and Management sa kanilang 2020 budget bilang augmentation sa pondong ginamit para sa isasakatuparan ng Bayanihan to Heal as One Act.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.