Marami pa ring mga major roads sa Northern Luzon ang nananatiling sarado dahil sa epekto ng Bagyong Egay.
Kabilang sa mga hindi pa rin maaaring daanan ay ang bahagi ng Kennon Road paakyat ng Baguio City dahil sa naganap na landslide sa gitna ng pananalasa ng bagyo.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) – Cordillera, pipilitin nilang mabuksan sa daloy ng trapiko ngayong araw na ito ng Martes. Para sa kaligtasan ng lahat, pinapayuhan ng DPWH ang mga motorista na gamitin na lang muna ang Marcos Highway paakyat sa Baguio City.
Kabilang sa mga saradong daan hanggang sa kasalukuyan ay ang La Union-Bangar Road sa San Fernando City, Ilocos-Apayao Road sa Ilocos Norte at Baguio-Itogon Road sa Benguet. Apektado naman ng soil erosion ang mga sumusunod: Tagudin-Cervantes Road sa Ilocos Sur, Shilan-Beckel Road sa Tuba Benguet at San Fernando-Baguilin Road sa La Union.
Samantala, kasalukuyan pa ring nasa pangangalaga ng Coast Guard District sa Ilocos Norte ang limang crew ng isang Chinese fishing boat na napadpad sa Brgy. Kadilian sa Currimao Ilocos Norte./ Den Macaranas