Magna Carta para sa mga independent couriers na nagde-deliver sa e-commerce companies isinusulong sa Kamara
Ipinatitiyak ni House Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera na mabigyan ng proteksyon ang mga riders ng mga independent couriers na nagde-deliver para sa mga e-commerce companies tulad ng Lazada at Shopee.
Base Sa House Bill 7559 o Magna Carta of E-Commerce Delivery Personnel na inihain ni Herrera, nais nito na masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga e-commerce delivery contractors sa pamamagitan ng paggamit ng cashless payment para sa mga home deliveries gayundin ang pagpapataw ng parusa sa mga biglang magkakansela ng mga kumpirmado ng ‘cash on delivery’ transactions.
Paliwanag ng kongresista, hindi lamang maiiwasan ang pagkalat ng virus sa ‘cashless transactions’ kundi mapoprotektahan din ang mga delivery riders sa mga walang pakundangang customers.
Tinukoy ni Herrera ang pagtaas ng mga kaso ng mga customers na bigla na lang nagkakansela ng orders kung kailan ide-deliver na at bayad na rin ng courier.
Naniniwala ang lady solon na mas responsable ang mga customers kung ang kanilang order na produkto ay babayaran na online at ihahatid na lamang ito ng mga delivery riders.
Maliban dito ay itinutulak din ang pagpapataw ng parusa sa mga customers na magkakansela ng kumpirmadong order ng isa hanggang tatlong buwang pagkakabilanggo at multang P10,000 hanggang P50,000.
Samantala, isang taon hanggang tatlong taon na pagkakabilanggo at multang P100,000 hanggang P150,000 ang kakaharapin ng sinumang magpopost ng kanilang order cancellations sa social media na layong i-prank o lokohin, at makatamo ng popularidad sa kanilang vlogging.
Pagbabayarin din ang mga ito ng damages sa seller at sa delivery service provider.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.