Naging malaki ang epekto ng pahayag ni Saranggani Rep. Manny Pacquiao sa kaniyang popularidad bilang kandidato sa pagka-senador.
Sa lumabas na resulta ng pinakahuling Pulse Asia Survey na ginawa noong February 15 hanggang 20, bumagsak ang ranking niya sa 11th to 14th na position sa 12 upuang pinag-aagawan sa Senado, mula sa dating 8th to 10th position noong January.
Ayon kay Pulse Asia president Ronald Holmes, posibleng naging malaki ang epekto sa mga numero ni Pacquiao ang kaniyang mga naging komento ukol sa same-sex marriage.
Mula sa dating 46.9 percent noong January, bumaba sa 34.8 percent ang mga pabor sa pag-boto kay Pacquiao nitong February.
Gayunman, nilinaw ni Holmes na isa lang naman itong posibleng dahilan, dahil hindi lang naman si Pacquiao ang bumaba ang popularidad at hindi rin naman nila tinanong sa mga respondents kung bakit nag-iba ang kanilang pananaw.
Pero sa kabila ng pag-baba ng kaniyang mga numero, nananatili pa rin naman si Pacquiao sa listahan ng mga posibleng manalong senador dahil lumalabas na 14 sa mga kandidato ang may statistical chance na mahalal.
Matatandaang marami ang hindi natuwa sa mga komento ni Pacquiao tungkol sa same-sex marriage.