Mga pulitiko, hindi dapat gamitin sa kampanya ang mga young apprentices
Nababahala ang isang labor official na baka gamitin ng mga pulitiko ang mga kabataang nag-aapply sa mga summer apprenticeship program para sa kanilang pangangampanya.
Dahil dito, umapela si Department of Labor and Employment (DOLE) – Eastern Visayas director Elias Cayanog sa mga pulitiko na lubayan ang mga kabataan at huwag gamitin sa anumang election-related activities o pangangampanya.
Ayon kay Cayanog, ang dapat na itinuturo at ipinapakita sa mga kabataan ay kung paano ang operasyon sa mga tanggapan ng gobyerno.
Ngayong taon, tinatayang hindi bababa sa 10,000 kabataang may edad 15 hanggang 25 ang tinanggap sa mga probinsya ng Biliran, Southern Leyte, Leyte, Samar, Northern Samar at Eastern Samar sa Work Appreciation Program (WAP) ng DOLE.
Ang nasabing programa ay nag-aalok ng apprenticeship sa mga kabataan kung saan magta-trabaho sila sa loob ng 20 araw, at babayaran sila ng P260 kada araw.
Magsi-simula na ang programa sa susunod na buwan, sandaling panahon lamang pagkatapos mag-simula ang kampanya para sa mga lokal na kandidato sa March 25.
60 percent ng sweldo ng mga apprentice ay sagot ng lokal na pamahalaan, habang ang 40 percent naman ay magmu-mula sa DOLE.
Sa taong ito, nag-laan ang DOLE Eastern Visayas ng P23 million para sa WAP.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.