Kasabay ng paglilinaw nila na walang banta ng ISIS sa bansa, tiniyak rin nila na sakali mang mangyari ito ay handa naman ang mga militar.
Nanatili ang paninindigan ng AFP na wala silang namo-monitor pa na presensya ng ISIS at wala pa rin silang nakikitang credible link sa pagitan ng grupong ito at ng mga lokal na grupong sumusuporta sa kanila.
Sinabi ito ni AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla bilang reaksyon sa mga sinasabi ng mga analysts na aktibo na at umaatake ang mga ISIS-inspired na militante sa Mindanao.
Gayunman, tiniyak ni Padilla sa publiko na magkaroon man aniya ng ganoong klaseng banta, handang-handa naman sila at ang Philippine National Police para harapin ang mga worst-case scenarios.
Kabilang sa mga hinihinalang pakana ng mga ISIS sympathizers sa Mindanao ay ang pananalakay ng Maute group sa Butig, Lanao del Sur na nag-dulot ng bakbakan na tumagal ng ilang linggo, pati na ang pananambang sa isang Saudi Arabian cleric.
Kaya naman pinayuhan ni Padilla ang publiko na ipagpatuloy lamang ang normal na pamumuhay, nang may kaakibat na rin na pag-iingat, pagiging alerto at mapagmatyag bilang tulong na rin sa seguridad ng komunidad.