5 opisyal ng DBP, kinasuhan ng plunder sa Ombudsman

DBP-LBPNahaharap sa kasong plunder sa Ombudsman ang mga matataas na opisyal ng Development Bank of the Philippines (DBP) dahil sa umano’y pagkakasangkot sa isang “midnight deal.”

Ang nasabing kasunduan ay may kaugnayan sa isang banking solution contract bago pa man ang merger ng DBP at ng Land Bank of the Philippines (LBP).

Sinampahan ng kasong plunder ng mga complainants mula sa Association of DBP Career Officials sina DBP president Gil Buenaventura, chief legal counsel Fritzie Tangkia-Fabricante, executive vice president Anthony Robles at senior vice presidents Dennis Decena at Nilo Cruz.

Inakusahan ng nasabing asosasyon, sa pamumuno ng kanilang presidenteng si Francis Romulo Badilla, ang mga naturang opisyal ng pag-pasok sa isang maanomalyang kontrata ng joint venture sa Kaisa Consulting Company at Polaris Consulting and Service Limited para sa isang integrated core banking solution para sa DBP.

Binanggit ng mga nag-reklamo ang isang report ng Commission on Audit (COA) na nagsasabing overpriced ang procurement ng DBP at lumalabas na pumapabor ito sa nasabing joint venture.

Ayon sa kanila, inaprubahan ng mga opisyal ang technical specifications na tutugma sa alok ng Polaris na siya namang nag-disqualify sa iba pang bidders.

Nagkakahalaga ng P292.9-milyon ang nasabing kontrata ng joint venture na pinasok ng mga opisyal noong June 2015, isang buwan makaraang makalusot sa huling pag-basa sa Kamara ang merger ng DBP at LBP.

Tinawag ito ng mga complainants na “midnight deal” dahil pinirmahan ang kontrata bago pa man mag-bigay ng go-signal si Pangulong Aquino sa merger ng DBP at LBP nito lamang buwan ng Pebrero.

Read more...