Tulong para sa mga nakaligtas at nawawalang Pinoy crew member sa Japan, tiniyak ng DOLE

Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapaabot ng mga kakailanganing tulong sa mga nakaligtas at pamilya ng nawawalang Filipino crew members sa cargo vessel sa Japan.

“We are in touch with the next of kin of the crew and we are providing them all the help we can give, including the latest information on the search and rescue operation for our kababayans being done by Japanese authorities,” pahayag ni Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.

Aniya, nakilala na ang ikalawang nakaligtas sa Gulf Livestock 1 na si Jay-Nel Rosales, 30-anyos deck crew mula sa Cebu.

Batay sa ulat ng Philippine Overseas Labor Office sa Osaka, nasagip si Rosales ng patrol boat Kaimon at dinala sa Kagoshima-ken Kenritsu Ooshima Hospital para sa kumpletong medical check-up.

Sinabi ng kalihim na nakausap na ni Rosales ang kaniyang pamilya sa Cebu.

Nananatili naman sa ospital ang unang nasagip na Filipino crew member na si Eduardo Sareno, chief officer ng barko.

Dadalhin si Sareno sa isang hotel para sa pagsailalim sa quarantine.

Samantala, isang bangkay ang nakuha ng mga otoridad sa karagatan.

Sinabi ng POLO na inaalam pa ang pagkakakilanlan nito.

“We are updating the relatives of our unfortunate Filipino crewmen every time we receive information from the Japanese Coast Guard who is on top of the search and rescue operation,” ani Bello.

Sinabi ng kalihim na binibigay ng POLO sa Japan ang lahat ng mga pangangailangan ng mga nasagip na Filipino seafarer.

Read more...